Nitong Nobyembre, naganap sa Geneva, Switzerland ang 4th cycle ng Universal Periodic Review (UPR), isang mekanismo ng United Nations upang makita ang rekord sa pagtalima sa karapatang pantao ng mga kasaping estado sa ilalim nito. Isa ang gobyerno ng Pilipinas na nagbahagi ng ulat nito tungkol sa pag-iral ng karapatang pantao sa bansa. Ang UPR ng Pilipinas ay batay sa mga ipinasang report ng gobyerno, ng mga UN human rights experts, treaty bodies at iba pang entidad, mga stakeholder kabilang ang Commission on Human Rights at mga NGOs.
Ayon sa ulat ng Gobyerno ng Pilipinas sa UN Council, ang bansa ay mayroong “isang maunlad, masigla at participative na demokratikong espasyo.” Ngunit sa datos na inilabas ng Philippine UPR Watch, nakapagtala ng mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng administrasyon ng Dating Pangulong Rodrigo Duterte, mula Hulyo 2016 hanggang Hunyo 2022 ng 481,918 forced evacuations, 442 extrajudicial killings (hindi pa kasama sa bilang ang drug-related EJKs), 1.341 illegal arrest and detention, 20,348 indiscriminate firings, 47,587 use of schools, medical, religious, and other public places for military purpose 574 frustrated extrajudicial killings, 20 enforced disappearances, 2,957 illegal arrest without detention, 233 victims of torture. Nakapagtala naman ang KARAPATAN, sa unang 100-araw ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., ng 12 extrajudicial killings, 91 drug-war related killings, 4 victims of enforced disappearances, at 39 victims of illegal arrest. Ito ay sinuportahan ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) sa paghikayat sa administrasyong Marcos Jr. na harapin ang mga paglabag sa karapatang pantao lalo na sa ilalim ng pamumuno ng Dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa paggunita sa ika-75 na Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao sa ika-10 ng Disyembre 2022, ang Research and Extension for Development Office (REDO) ng Kolehiyo ng Gawaing Panlipunan at Pagpapaunlad ng Pamayanan (CSWCD) ay maglulunsad ng isang pampublikong Forum “Katungod (Human Rights): Analysis and CSO Report Back on the Universal Periodic Review on Human Rights”, sa ika-6 ng Disyembre 2022, 1:00 to 5:00pm sa Bulwagang Tandang Sora. Layunin ng forum na ito na talakayin ang kasalukuyang sitwasyon ng karapatang pantao sa Pilipinas, mula sa punto de bista ng mga Civil Society Organizations (CSOs) at human rights defenders.
Inaanyayahan ang lahat na dumalo.