Pagpupugay kay Ka Lito: Buhay na Inialay sa Bayan at sa Kapwa
By Prof. Lenore Polotan-dela Cruz, Department of Community Development, UP CSWCD
Magandang hapon po sa ating lahat!
Ang taong pinararangalan natin sa hapong ito ay biniyayaan ng buhay na makulay at makabuluhan – isang mahusay na guro at educator; mapagkalingang academic leader; may-akda ng ilang popular na libro sa pag-oorganisa at pagpapaunlad ng pamayanan; advocate, partisan, kasangga at kasama sa pakikibaka ng mga maralita: mga magsasaka, mangingisda, manggagawa, kababaihan, katutubo, kabataan,nakatatanda, mga may kapansanan; gabay at adviser ng ’di-mabilang na NGO at POs; napakahusay na kwentista (an excellent storyteller); at higit sa lahat — mapagmahal at minamahal na anak, kapatid, kaibigan, asawa at ama.
Obvious po ba na great fan ako ng taong ito? Ngayon pa lang ay tatapatin ko na po kayo na siya ay aking lubos na nirerespeto, hinahangaan at mi namahal. (Ang sabi nga ng mga nakatatanda, ang nagsasabi ng tapat, ay nagsasama ng maluwat!)
Ipinanganak noong July 4, 1947 sa Pantalang Luma, Bayan ng Orani, Bataan, si Angelito G. Manalili (o ‘Ka Lito’ kung ating tawagin) ay nagmula sa isang simple at karaniwang pamilya. Panganay sa walong anak nina Miguela Gregorio at Francisco Manalili, maaga siyang namulat sa kahirapan at pakikipagsapalaran sa buhay. Bata pa ay nagtrabaho na siya bilang manggagawa sa palaisdaan at mangingisda para makatulong sa pagtataguyod ng kanilang pamilya. Sa kagustuhang makatapos ng kolehiyo, naging working student siya sa Maynila – nagtinda ng sigarilyo, at naging laborer sa pabrika ng Syntex — hanggang sa matapos niya ang AB Political Science (cum laude) sa University of the East noong 1971. Naging bahagi siya ng Provincial Development Staff ng Bataan, una bilang Research and Evaluation Officer noong 1972 hanggang sa maging Provincial Development Coordinator noong 1976-1977. Ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral at natapos ang MA sa Public Administration sa University of Manila noong 1976. Una siyang naging guro sa University of the Philippines Diliman noong 1978, nang naging bahagi siya ng Department of Community Development sa dating Institute of Social Work and Community Development (ngayon ay College na). Itinuro niya ang mga kurso gaya ng Community Organizing, Community Development Planning, at Participatory Project Development and Management. Nagtapos siya ng PhD sa Philippine Studies sa UP Diliman noong 1985.
Katulad marahil ng marami sa inyo, una kong nakilala si Ka Lito sa loob ng classroom nang siya ay aking naging teacher sa CD Planning & Administration at Project Development nang ako ay 19 taon pa lamang. Noon pa man hanggang ngayon, lagi niyang kinukwento na wala siyang ibang naging pangarap kundi ang maging isang mahusay na guro. At kung ito ang gagamitin nating measure of success – siguro naman ay sasang-ayon kayo na quotang-quota na si Ka Lito sa sukatang ito. Patunay nito ang paggawad sa kanya ng “Outstanding Faculty Award” ng UP noong 1992, at ng “Gawad Lope K. Santos” noong 1996 para sa kanyang pagpapayaman sa wikang Filipino bilang medium of instruction at pagpapaunlad ng mga katutubong pamamaraan sa pagtuturo ng Community Development.
Ano nga ba ang sikreto ni Lito sa pagiging mahusay na teacher at educator?
Si Lito marahil ang isa sa mga most-quoted na guro sa CD – maging ito ay sa graduate o undergraduate level man. At sa aking personal na tingin, ito ay dahil sa kakayahan niyang magpaabot ng mga big ideas and ideals sa isang paraan na simple, totoo, mapanghamon, at laging nagbibigay inspirasyon at pag-asa. Maging ang kanyang pamamaraan sa pagtuturo sa classroom at mga training ay ganun din – mga buhay na kwento, at mga visual aids na nakaguhit sa telon o manila paper. Sorry ka na lang Bill Gates, dahil sa hanggang ngayon ay mas epektibo pa rin ang ‘paper point’ kesa sa power point kay Ka Lito!
Maliban sa pagtuturo ng Community Development, patuloy niya itong isinasabuhay bilang isang advocate/ partisan at kasangga sa pakikibaka ng sambayanan. Mula pa noong marahas na panahon ng Martial Law, hanggang sa kasalukuyan, personal na nakasama ng marami sa atin si Lito sa hindi mabilang na rally sa lansangan laban sa kahirapan, pang-aapi, o kawalan ng hustisya. Patuloy din siyang nagbibigay ng kanyang kaalaman at panahon sa paghubog ng mga lider sa mga komunidad at mga samahan ng mamamayan.
Ayon nga sa isang former student ni Ka Lito: “… Siguro higit sa lahat, ang patuloy mong ibinabahaging inspirasyon o aral sa akin ay ang pagiging CONSISTENT – consistent na manatiling nasa panig ng mahihirap, consistent na magalit sa kawalan ng katarungan at pagsasamantala, consistent sa paniniwalang nasa pagkakaisa at sama-samang pagkilos ang pagbabago, consistent na nakataas ang kamao. Kung kahit katiting nang consistency mo ay ma-retain ko, masaya na ako!” (Lot Felizco, BSCD, 1983)
Napakasimpleng tao po ni Ka Lito sa personal na buhay. Kita naman ito sa kanyang pananamit, sa pagkain, at maging sa pakikitungo sa kapwa. Alam ng marami sa atin na hanggang ngayon ay pumapasok siya sa UP na nakasakay sa bus, jeep at MRT mula sa bahay nila sa Guadalupe. Isang platitong mani pa rin po ang paborito niyang kasabay ng malamig na beer sa mga inuman!
Si Ka Lito ang source of strength ng kanyang pamilya. Sa pagkakaalam ko, madalas niyang tawagan para kamustahin ang kanyang mga kapatid, at dinadalaw niya ang mga ito sa Bataan sa tuwing may pagkakataon. Hindi ko makakalimutan ang ngiti at tuwa sa mukha ni Lito sa tuwing siya ay magkukuwento ng mga magagandang balita tungkol kay Sally, ang kanyang asawa, kina Monette at Sisa, ang kanyang mga anak, kay Aling Jasmin, ang kanyang biyenan, at ngayon ay sa kanyang tatlong apo na sina Clarence, Nyel at Nicole. Sa ganang akin, ang pagmamahal sa kanyang pamilya ang malalim na bukal na pinaghuhugutan ng lakas at inspirasyon ni Lito.
Para sa mga kasamahan ko sa CSWCD, alam kong sasang-ayon kayo sa akin na malaki ang naiambag niya sa paghubog ng ating College bilang isang buhay na institusyon at bilang isang mapagkalingang tahanan nang siya ay naging two-term Dean noong 1991-1994 at 2001-2004. Bilang isang institusyon, palagi nya tayong pina-aalahanan na maging laging grounded o nakatuntong sa lupa – patuloy na maging makabuluhan sa lipunan na ating kinabibilangan at pinaglilingkuran, patuloy na makipag-aralan sa masa, makilahok at tumulong sa kanilang pag-oorganisa at pakikibaka, at makibahagi sa mga pagkilos na nagpapaganda ng kanilang kinabukasan. Bilang isang tahanan, ipinakita niya sa atin kung paano maging mapagkalinga at mapag-unawa sa bawa’t isa sa ano mang oras, sapagka’t ayon nga kay Plato, “Be kind, for everyone you meet is fighting a hard battle”.
Yan si Ka Lito, kindness and generosity personified – walang masamang tinapay, laging handang makinig, kaibigang laging mahinahon sa anumang oras, always generous with his time, patience and wisdom, laging positive ang take ano mang hamon ang dumating, at laging appreciative sa kakayahan at kontribusyon ng bawa’t tao. Di pa man naisulat ni David Cooperider ang ‘Appreciative Inquiry’, isinasabuhay na ito ni Lito.
Sa yugtong ito, payagan nyo akong magbigay ng personal na mensahe kay Lito:
Ka Lito, ikinalulugod, ipinagmamalaki, at ipinagbubunyi namin na ikaw ay aming nakilala at nakasama sa mga classroom, meeting rooms, conference rooms, lansangan, mga pamayanan, at maging sa mga inuman. Maraming, maraming salamat, Ka Lito, sa patuloy mong pagpapakita at pagbabahagi sa amin ng tunay na kahulugan ng simpleng buhay, ganap na paglilingkod, at kabutihan sa araw-araw at sa lahat ng bagay. Umaasa kami na patuloy pang makakasama ka sa mahaba pang panahon.
Mga ka-sikhay at ka-bayanihan, inaanyayaan ko po kayong tumayo at bigyan ng masigabong palakpakan si Dr. Angelito Gregorio Manalili!
Maraming salamat po!
Isinulat ni: Prof. Lenore Polotan-dela Cruz, Department of Community Development, UP CSWCD , sa okasyon ng ika-45 Taong Pagdiriwang ng Pagkakatatag ng CSWCD, Aug 25, 2012, Bulwagang Tandang Sora, UP CSWCD