[Opisyal na Pahayag] Kaunlaran Para Kanino? Pagtataguyod ng Makatarungan at Makataong Kaunlaran sa ASEAN
Kaunlaran Para Kanino? Pagtataguyod ng Makatarungan at Makataong Kaunlaran sa ASEAN
Opisyal na Pahayag ng UP College of Social Work and Community Development hinggil sa ASEAN at Pax Silica
Nobyembre 12, 2026
“Kaunlaran para kanino? Hindi sapat na sukatin natin ang kaunlaran sa dami ng investment, ng infrastructure, o pag-unlad ng teknolohiya. Dapat din nating suriin kung ano ang epekto nito sa tao, sa komunidad, at sa kalikasan. Kapag naaapektuhan na ang kabuhayan at mga karapatan ng mga katutubo at magsasaka, may pananagutan na tayo. Ang tunay na kaunlaran ay nagsusulong ng dignidad ng tao, pagpapalakas ng komunidad, at pangangalaga sa likas na yaman.”
— Dean Justin Nicolas
Sa pagtalakay ng mga pinuno ng ASEAN sa kinabukasan ng rehiyon, mahalagang suriin ang mga panrehiyong inisyatiba batay sa epekto ng mga ito sa tao, pamayanan, at kalikasan. Hindi sapat na sukatan ng kaunlaran ang dami ng investment, pagtatayo ng infrastructure, o pagsulong ng teknolohiya. Dapat ding itanong: Kaunlaran para kanino, at sino ang nakikinabang, naiiwan, at naaapektuhan nito?
Inihaharap ang Pax Silica bilang inisyatiba upang palakasin ang supply chains para sa artificial intelligence, semiconductors, at critical minerals. Mahalagang suriin kung sino ang may kontrol sa likas-yaman, sino ang nakikinabang sa paggamit nito, at ano ang posibleng epekto ng mga proyekto sa mga kalapit na pamayanan. Saklaw ng pagsusuring ito ang epekto sa mga kababaihan, LGBTQIA+, katutubo, may kapansanan, kabataan, nakatatanda, at iba pang marginalisadong sektor. Dapat ding tiyakin ang kanilang makabuluhang papel sa mga pasyang nakaaapekto sa kanilang mga pamayanan.
Nababahala ang UP CSWCD sa paraan ng pagsusulong ng administrasyong Marcos Jr. sa Pax Silica. Hindi pa pinal ang framework agreement, ngunit ipinahayag na ng pamahalaan ang hangaring ituloy ito (tribune.net.ph). Ang pagbigay ng prayoridad sa pag-akit ng investment at sa interes ng mga mamumuhunan bago malinaw na mailahad sa publiko ang mga kondisyon, posibleng epekto, at safeguards ay naglilimita sa makabuluhang pakikilahok ng mga pamayanan. Kapabayaan ng pamahalaan ang pagsusulong ng Pax Silica nang hindi tinitiyak na bukas ang proseso at walang malinaw na mekanismo sa pagtatanggol sa mga karapatan at kabuhayan ng mga pamayanan.
Nananawagan ang UP CSWCD sa pamahalaan na ibasura ang Pax Silica. Inuuna ng ganitong balangkas ang pangangailangan ng global supply chains sa mga pasyang may tuwirang epekto sa lupa at kabuhayan ng mga pamayanan at sa kanilang karapatang magtakda ng sariling landas ng kaunlaran. Sa anumang panukalang pangkaunlaran, tungkulin ng pamahalaan na ilahad sa publiko ang mga kasunduan, tiyakin ang malaya at masusing social and environmental impact assessments, at bigyan ng makabuluhang papel sa pagpapasya ang mga pamayanan. Dapat ding igalang ang karapatan ng mga katutubo sa free, prior, and informed consent (FPIC) bago isulong ang anumang proyektong makaaapekto sa kanilang mga lupang ninuno at kabuhayan.
Hinihikayat ng Kolehiyo ang komunidad ng UP at ang publiko na makiisa sa panawagang ibasura ang Pax Silica, suriin ang mga impormasyong inilalabas hinggil dito, at igiit ang pananagutan ng mga institusyong sangkot. Mahalaga ang pakikilahok ng akademya at publiko upang mapalakas ang tinig ng mga pamayanang direktang apektado ng proyektong ito.
Dapat tiyakin ng ASEAN na ang kooperasyon sa critical minerals at mga umuusbong na teknolohiya ay hindi maging daluyan lamang ng kompetisyon ng mga pandaigdigang kapangyarihan. Sa pakikipag-ugnayan sa mga pandaigdigang katuwang, mahalagang panatilihin ng ASEAN ang kakayahang magtakda ng mga prayoridad na nakaugat sa soberanya at kapakanan ng mga mamamayan nito.
Bilang kolehiyong nakatuon sa gawaing panlipunan at pagpapaunlad ng pamayanan, pinaninindigan ng UP CSWCD ang pag-unlad at kinabukasan na sama-samang hinuhubog ng mga mamamayan. Isinusulong ng Kolehiyo ang praxis na nag-uugnay ng mapanuring pag-aaral at kolektibong pagkilos kasama ang mga pamayanan. Sa pagtuturo, pananaliksik, at paglilingkod, patuloy na makikipagtulungan ang Kolehiyo sa mga pamayanan upang palakasin ang kanilang kakayahang magpasya, mag-organisa, at baguhin ang mga kalagayang nagpapanatili sa kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay.
Ang tunay na kaunlaran ay makatarungan, makatao, makakalikasan, at nakaugat sa karapatan ng bawat mamamayan na makilahok at magpasya sa kinabukasang nais nilang buuin! ###
