Opisyal na Pahayag: Hands off our Development Workers!
Hands off our Development Workers!
Ang Kolehiyo ng Gawaing Panlipunan at Pagpapaunlad ng Pamayanan, sampu ng kanyang mga guro, kawani at mag-aaral ay nagkakaisa sa pagkondena sa hindi makatarungan at iligal na pag-aresto kay Agnes Mesina at kanyang mga kasamahan, at sa tahasang panggigipit at pagpatay sa mga development workers at human rights defenders tulad ng tinaguriang New Bataan 5.
28 Pebrero 2022, bandang 7:00 NC, inaresto si Agnes Mesina habang kumakain sa isang karinderya sa Aparri, Cagayan dahil sa isang kaso na pinawalang-bisa na ng korte noon pang 12 Hulyo 2021. Si Agnes Mesina ay nasa Cagayan upang magsagawa ng community outreach at fact-finding mission para sa mga pamayanang Agta na biktima ng walang habas na pambobomba na militar sa Conzaga, Cagayan. Bandang 11:30 NC, si Agnes Mesina ay pinalaya mula sa kustodiya ng mga pulis.
Walang duda, ang pag-aresto kay Agnes Mesina ay isang anyo ng panggigipit sa mga development workers na kadalasang pinaghihinalaan o inaakusahang kasapi ng mga rebeldeng grupo na walang sapat na batayan. Hindi ito makatarungan. At batay sa karanasan mula sa New Bataan 5, Bloody Sunday at Human Rights Day 7, ito rin ay lubhang mapanganib at nakamamatay.
Naniniwala ang Kolehiyo ng Gawaing Panlipunan at Pagpapaunlad ng Pamayanan na ang aktibismo ay hindi terorismo at may mahalagang gampanin ang maa development workers lalo na sa paghahatid ng tulong, kaalaman at kasanayan sa mga pamayanang nasa laylayan at pinagkakaitan ng kanilang karapatan. Nananawagan kami sa mga kinauukulan na kilalanin at igalang ang mahalagang gampanin ng mga development workers sa pagpapaunlad ng mga pamayanan at ang karapatan nilang makipagtuwangan sa mga maralitang sektor ng ating lipunan nang walang takot at pangamba sa banta ng pang-aabuso, hindi makatarungang pagpapakulong o kamatayan. Nananawagan din kami sa mga awtoridad na panagutin ang mga nagsagawa ng ilegal na pag-aresto. ###