Linggo ng CSWCD, matagumpay na idinaos

| Written by CSWCD

CSWCD Students, Faculty, REPS, and Administrative Staff during the Opening Program

Matagumpay na naisagawa ang serye ng mga aktibidad para sa taunang Linggo ng CSWCD mula ika-16 hanggang ika-28 ng Pebrero 2019 na may temang Takder: Ipagdiwang ang Sama-Samang Pagkilos ng Sambayanan. Ang Takder ay mula sa salitang Iloko na ang ibig sabihin ay tumindig.

Sinimulan ang pambungad na aktibidad sa pamamagitan ng isang simpleng salu-salo ng komunidad ng CSWCD. Agad itong sinundan ng CSWCD Gawad Serbisyo na naglalayong kilalanin ang mga guro, REPS, at staff para sa kanilang serbisyo sa Kolehiyo. Tatlong mga guro ang kinilala sa taong ito at ginawaran ng sertipiko ng pagkilala sa pangunguna ni Dekana Sylvia Estrada-Claudio. Parehong nagsilbi sa loob ng labinlimang taon (15) ang dalawang guro mula sa Departamento ng Gawaing Panlipunan (Department of Social Work) na sina Katuwang na Propesor Rosalie T. Quilicol at Kawaksing Propesor Yolanda G. Ealdama. Kinilala naman ang tatlumpung taong serbisyo ni Kawaksing Propesor Lenore P. De la Cruz mula sa Departamento ng Pagpapaunlad ng Pamayanan (Department of Community Development). Sa mensahe ng panauhing pandangal na si UP Faculty Regent Propesor Ramon Guillermo, binigyang diin niya ang halaga ng serbisyo at gawain ng lahat ng guro, REPS, at kawani ng Kolehiyo at ang di matatawarang kontribusyon nila sa buong Unibersidad at sa bayan. 

Inilunsad naman ang online edition ng Philippine Journal of Social Development (PJSD) Volume 11 2019 na may temang Human Rights from the Margins. Ito ay sa pangunguna ng Departamento ng Gawaing Panlipunan at ng Research and Extension for Development Office (REDO). Ang buong kopya ng PJSD ay libreng mababasa at mada-download sa www.cswcd.upd.edu.ph. Sa ikalawang bahagi ng programa, kinilala rin ang mga guro na nakapaglathala ng libro o artikulo mula Marso 2018 hanggang Pebrero 2019. 

Isang public forum naman ang inorganisa ng Research and Extension for Development Office (REDO) para talakayin ang pagpapatuloy ng Batas Militar sa Mindanao. Ang public forumay pinamagatang Pakighimamat: Naratibo ng mga taga-Mindanao sa Batas Militar. Kabilang sa mga nagbahagi ay nagmula sa mga nagpoprotestang manggagawa ng Sumifru banana plantation; isang volunteer teacherng Lumad Bakwit School na ngayon ay nakakabase sa loob ng Unibersidad; at ang kinatawan ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) na si Atty. Kathy Panguban. Isa rin sa panauhuing pandangal ay ang ginawaran ng Gawad Tandang Sora na si Bai Bibyaon Ligkayan Bigkay na mariing kinundena at tinututulan ang pagpapatupad ng batas militar sa Mindanao. Ayon kay Bai Bibyaon, lalong lumala ang kalagayan ng mga katutubo mula nang ipatupad ang Batas Militar dahil sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao, patuloy na sapilitang pagpapalikas sa mga lumad sa kanilang lupang ninuno, at ang patuloy na banta sa kanilang buhay at komunidad. Nagbigay rin ng reaksyon sina Kat. Prop. Rowena A. Laguilles (DWDS), Kat. Prop. Venarica B. Papa (DCD), at Kat. Prop. Gil. I. Espenido (DSW). Sa pagtatapos ng forum at bilang suporta sa mga panawagan ng mga taga-Mindanao, nagsindi ng kandila ang mga kalahok sa forum at isinulat ang kanilang panawagan at pagtutol sa batas militar. 

Gawad Tandang Sora Honoree Bai Bibyaon Ligkayan Bigkay

Sa ikalawang araw ng selebrasyon, nagkaroon ng General Assemblyang Sikhay Kilos Development Association, Inc. Ito ay pagkakataon upang i-ulat ng mga opisyales sa mga miyembro ang mahahalagang mga impormasyon at plano sa buong kapulungan. 

Isinagawa naman ng Department of Women and Development Studies (DWDS) at ng Doctor of Social Development (DSD) program ang isang research forum na pinamagatang Usapang Babae, Usaping Buhay: Kuryente, Pabahay, at Pagkalinga sa Kalunsuran. Tampok sa research forum na ito ang pananaliksik nina Bb. Lisa Victoria N. Rosel, instruktor mula sa Departamento ng Pagpapaunlad ng Pamayanan; Katuwang na Propesor Rowena A. Laguilles ng DWDS, at Katuwang na Propesor Excelsa  C. Tongson mula sa Department of Family Life and Child Development ng College of Home Economics.

Usapang Babae, Usaping Buhay: Kuryente, Pabahay, at Pagkalinga sa Kalunsuran

Kasabay ng salu-salo sa hapunan, pinangunahan naman ng CSWCD Student Council ang Gabi ng Pakikiisa at Pagtatanghal. Nag-alay ng mga awitin ang mga mag-aaral at mga imbitadong cultural groups gaya ng Concerned Artists of the Philippines (CAP), Shirebound and Busking, at TUBAW Music Collective. 

Sa ikatlo at huling araw ng linggo ng Kolehiyo, buong araw ang libreng palabas ng mga documentary films at participatory videos ang inihanda ng CSWCD Student Council.  Nagkaroon rin ng director’s talk mula kay JL Burgos para sa pelikulang Portraits of Mosquito Press. 

Samantala, isinagawa ng Departamento ng Gawaing Panlipunan (DSW) at Junior Social Workers’ Association of the Philippines (JSWAP) ang isang public forum na pinamagatang “Bata, Bata, May Mali ka bang Nagawa?”. Tinalakay ng iba’t ibang panauhin at eksperto ang panukala at implikasyon ng pagpapababa ng Minimum Age of Criminal Responsibility

Bata, Bata, May Mali ka bang Nagawa?