Pag-ibig sa Tinubuang Lupa: Pag-alala at Pagpupugay

| Written by CSWCD

pag-ibig sa tinubuang lupa
Pag-alala at Pagpupugay kay Puri Pedro (BSSW, 1969) at Nina Magbitang (BSCD, 1985)

Binigyan ng pagpupugay ng CSWCD sina Purificacion “Puri” Pedro at Nina Magbitang sa isang programa na ginanap noong ika-21 ng Setyembre, 2012 kaugnay ng paggunita sa ika-40 anibersaryo ng Martial Law . Dumalo sa naturang pagtitipon sina Tsanselor Saloma, Dean Rosalinda Ofreneo, pamilya ni Puri Pedro, mga guro, estudyante at kawani ng CSWCD. Si Puri ay estudyante ng Social Work na napaslang noong panahon ng Martial Law sa edad na 29. Si Nina naman ay estudyante ng Community Development na napaslang sa Bicol pagkatapos ng EDSA Revolution.

Inalala ng mga naging kaklase at guro nina Puri at Nina ang naging buhay nila sa Kolehiyo. Nang magtapos si Puri ng kolehiyo, nagtrabaho siya bilang Social Worker sa Immaculate Concepcion Parish sa Quezon City kung saan tumulong siya sa pagtatayo ng kooperatiba at day care center. Dalawang taon pagkatapos ng deklarasyon ng Martial Law ay nagtungo si Puri sa Cordillera para tumulong sa pag-oorganisa sa hanay ng mga katutubo. Isa sa mga nakakatuwang alaala ni Prof. Judy Taguiwalo kay Puri ay noong maging kaklase sila sa Judo sa UP. Para makapasa sila sa klase kailangan nilang patumbahin ang kanilang guro na magpapanggap na aatake sa kanila. Dahil gwapo at bata ang kanilang guro, ang ginawa daw ni Puri ay hinayaan niyang yakapin siya ng guro sa halip na kalagin nito ang pagkakayakap sa kanya. Sa tugon ng kapatid ni Puri, naisalaysay niya na noong maupo si Pres. Cory Aquino bilang Pangulo, hindi siya tinanggal sa kanyang trabaho sa CCP kahit si Imelda Marcos ang dati niyang pinagtatrabahuhan. Nalaman niya na ito ay bilang pasasalamat sa kanilang pamilya dahil si Puri pala ang tagadala ng sulat nila ni Sen. Ninoy Aquino nang ito ay makulong.

Si Prof. Titanne Barrameda naman ang nagsalaysay ukol kay Nina. Kasama niya si Nina sa Fieldwork nila sa sektor ng mga magsasaka sa Bicol. Napagkasunduan ng kanilang grupo na si Nina ang kanilang lider dahil sa tingin nila si Nina ang may pinakamatibay na personalidad. Ayon naman kay Prof. Maureen Pagaduan na siyang guro nila Nina sa fieldwork, pinili ni Nina na manatili sa bansa noong manirahan na sa Estados Unidos ang mga magulang niya. Mas nais ni Nina na tumulong sa mga magsasaka ng Bicol.

Bilang pagkilala sa pagsisilbi sa bayan ni Puri, gumawa ng salaysay si Judy Taguiwalo tungkol sa buhay ni Puri na binigay sa pamilya nito kalakip ang kaniyang graduation picture. Ang kuwento ni Puri ay kasama sa koleksiyon ng mga kuwento ng mga dating estudyante ng Kolehiyo.

Tinapos ang programa sa pagsisindi ng kandila habang inaawit ni Prof. Justin Nicolas ang Pag-ibig sa Tinubuang Lupa ni Andres Bonifacio. Si Prof. Tex Gabo ang tagapagpadaloy ng programa.

Tunghayan ang iba pang mga larawan dito

– Isinulat ni Celeste Vallejos ng REDO