Gusto rin kitang batiin dahil hindi mo nakita ang mga grado bilang sukatan ng iyong pagkatao. Bagkus, mas pinahalagahan mo ang mga aral na napulot mula sa iyong mga karanasan at ang epekto ng mga ito sa iyong pagkatao. Mas naunawaan mo ang kahulugan at saysay ng iyong buhay, dahil nakita mo ang ugnayan nito sa buhay ng iba. Hindi mo nakita ang iyong sarili na angat sa kanila, dahil sa iyong pagtingin, ikaw ay kapantay ng lahat. Hindi ka lumipad sa ere sa kabila ng iyong mga natutunan, bagkus ay ginamit mo ang mga ito kasama ng iyong mga kakayahan upang paghusayin ang nalalaman ng iba. – KAHLILLE JOLLY L. SERANILLA, BS Community Development, Batch 2012