KaBayanihan para kay Milo: Isang Pasasalamat

| Written by CSWCD

kabayanihan para kay Milo

Sa ngalan ng pamunan ng UP CSWCD at ng mga bumubuo ng “We ♥ Milo!” Fund Drive Organizing Committee, ipinapaabot namin sa inyong lahat ang taus-pusong pasasalamat para sa malaking tagumpay ng ating sama-samang pagkilos noong Marso 16!

Higit sa lahat, ang “We ♥ Milo! It’s more fun at CSWCD” fundraising concert ay nagbigay ng lubos na kasiyahan at sigla kay Milo at kay Ging, sa kanilang mga minamahal sa buhay, at sa lahat ng nakadalo sa palabas. Naging posible ito dahil sa malasakit at pagbabahagi ng oras at talento ng mga mahuhusay na artists/performers na kinatampukan nina Dean Ramon (Montet) Acoymo (UP College of Music), Noel Cabangon, Gary Granada, PATATAG, Pancho Lara, SARO, Justin Nicolas, Azl Alarcon, Bandang Berto, Kampai Band, Mark Stephen Luna, Danica Dans Lopez, Fe’s Dance Studio (kasama sina Deans Inday Ofreneo at Amar Torres), Leann Lagman at Mary Joy Mella, Buboy Raquitico at mga mag-aaral ng Roosevelt School, at Karen Asuncion at Bianca Torres.

Gayundin, ang ating fund campaign ay nakalikom ng malaking pondo (Php 236,522) mula sa ticket sales at cash donations — patunay na talagang marami ang nagmamahal at nagpapahalaga kay Milo! Maraming salamat sa lahat ng kanyang mga naging dating ka-eskwela at kaklase, ka-org, kasama at ka-trabaho, at sa mga kaibigan, kasama at kaagapay niya sa kasalukuyan na sadyang napakarami kung iisa-isahin pa natin. Nais naming bigyan ng ispesyal na pansin ang mga miyembro ng UP Ibalon (student org ng mga taga Bicol na sinalihan ni Milo noong 1980s) na siyang ‘top-grosser’ sa ticket sales! Ang nalikom na pondo ay naibigay na natin kay Milo noong Marso 23 at 30, 2012.

Maraming salamat din sa lahat ng bumubuo ng pamilya ng CSWCD – mga minamahal na kawani, mag-aaral, alumni, at kaguruan – na bukas-palad na nag-alay ng kanilang talento, serbisyo at suporta upang maging matagumpay ang ating kolektibong pagkalinga.

Lubos kaming umaasa na sa tulong ninyong lahat, naipadama natin kay Milo, sa kanyang pamilya, at sa bawa’t isa ang tunay na diwa ng UP CSWCD – na tayo ay isang nagkakaisang komunidad na kumikilala at nagbubunyi sa mga taong pinili (at patuloy na pinipili) ang buhay na makabuluhan, anumang hamon ang kakaharapin!

Muli, ipinakita natin na sadyang ‘It’s more fun at CSWCD!’; pero higit sa lahat, ipagmalaki natin na mas totoong “There’s love overflowing in CSWCD!”

Mabuhay kayong lahat at pagpalain pa kayo sa mga darating na panahon!

Sundan ang link para sa listahan ng mga nagbigay ng panahon, suporta at pagmamahal para sa “We ♥ Milo!” Fund Drive.