Akda ni Ma. Estrella Penunia B.S. Social Work, 1978, Coordinator, Asian Farmers’ Association

| Written by CSWCD

esther penuniaAko ay tubo at laking Pasay City. Kahit na taga Leyte ang aking mga magulang, minsan lamang nila ako dinala sa probinsya — at ito”y noong ako’y tatlong taon pa lamang. Kaya wala akong kaalaman sa buhay lalawigan, maliban sa mga nobela at mga textbook at artikulo na binabasa sa klase. At sa pailan-ilang piyestahan at sayawan, sa imbitasyon ng ilang kaibigang taga Siniloan at Pampanga. Noong ako ay nasa ISWCD (pa ang tawag noon), minsan lamang ako nakarating sa isang nayon— ito ay sa Tagaytay , klase ni G. Ponciano Bennagen . Isang araw lamang ang bisitang iyon, at ang pinaka-naalaala ko noon ay ang madudulas na bato na aming inaakyat at ang napakasimpleng tahanan at masarap na kapeng barako ng mga magsasaka.

Kaya noong ang batch namin ay kailangang tumira sa San Diego, Lian Batangas, sa loob ng limang buwan para sa praktikum – magkahalong pangamba (lalo sa aking ama –baka kung ano ang mangyari sa akin, baka ako ay makapag-asawa ng hindi nagtatapos ng pag-aaral, ako pa naman ang inaasahan ng pamilya) at excitement (dahil magiging first time ko ang pagtigil sa isang nayon) .

Hindi ko namalayan na isang buwan na pala akong di nakakauwi sa bahay. Nag-e-enjoy pala ako kasama ang mga magsasaka at mangingisda. Sumama ako sa pangangawil kahit may pangamba dahil di ako marunong lumangoy. Siyempre gumawa din ako ng mga kawil. Nakipaglaro sa mga bata, nakipag-usap sa mga ina at ama, nakipagkuwentuhan, nakikain, nakinig sa kanilang mga problema. Sabi nila, dati hindi daw ganoon ang ilog nila, malinis daw iyon. Sabi ko, ano po ba ang hitsura ng malinis na ilog? Kasi, ang alam ko lang na ilog ay ilog Pasig…. Naamoy ko ang mabahong amoy galing sa pabrika ng molasses na nagdudulot ng sakit ng tiyan at kawalang ganang kumain.

Marami kaming magkaklase na magkakasama sa Lian. Tahimik lamang ako sa maraming okasyon dahil ako ay sadyang mahiyain at di palakibo, ngunit ang mga asignatura ( magtanong, makihalubilo) ang nagtulak sa akin upang lagpasan ang pagkamahiyain. Di nagtagal, napansin ko na lamang, naiibigan ko ang mga ginagawa namin sa praktikum na ito . Masaya ako sa pakikisalamuha sa mga magsasaka at mangingisda. Simple lang sila: mapagmahal, maalagain, mabait, matuwain, handang makipagtulungan . Masaya ako sa kapaligiran — dagat, sakahan, gubat – pagpitas ng mga “wild berries”.

Sa praktikum ding ito naranasan ko ano ibig sabihin ng kakulangan ng hustisya. May isang pabrikang nilason ang ilog na pinagkukunan nila ng tubig at isda at nagbibigay ng masamang amoy sa hangin aming hinihinga. May isang sugar mill na pinagdadalhan ng mga tubo, at sa kabila ng pagod, ay kakarampot ang binibigay na bayad sa kanila. May mga nagkakasakit na hindi madala sa manggagamot dahil sa kahirapan. Mga ama’t ina na ang pangarap ay makapagtapos ng pag-aaral ang kanilang mga anak. Masaya ako sa pagtanaw ng mga tao na nakakatulong kami kahit paano sa unti-unting paglutas ng kanilang problema.

Iba kapag nararanasan ang nararanasan nila , iba kapag nakakausap sila at nagsasabi ng mga problema at pangarap. Iba kapag umuwi kayong masaya dahil naging maganda ang pakikipag-usap sa mga tauhan ng pabrika. May naantig na damdamin ng pagkakaibigan, ng pagkakaisa, ng pagdadamayan. Hanggang sa pakiramdam ko, hindi lamang ito basta trabaho, basta grado —- ito ay pagtataya.
Huling semestre ng kolehiyo noong ako’y pumunta sa Lian. Bago ako pumunta roon, hindi malinaw sa akin kung saan ko gustong magtrabaho . Nguni’t bago matapos ang praktikum sa Lian, naramdaman at narinig ko ang tawag ng Diyos sa akin — ang maging isang Christian rural development worker –ang makipag-ugnayan sa hanay ng mga mangingisda at magsasaka. Dama ko siya sa puso at sa isipan.

Pagka-graduate ko, nag-apply kaagad ako sa National Irrigator’s Association ngunit ako’y di nakapasa. Dahil kailangan kong magtrabaho, pumasok ako sa isang ahensiya base sa Ateneo na tumutulong sa mga maralitang tagalunsod. Dalawang buwan pa lang ako nang malaman kong may opening sa UP-CCHP, idedestino sa Sta Maria, Laguna, at salamat sa Diyos, ako’y natanggap. Apat na taon ako doon, lingguhan kung umuwi. Nakilala ko ang isang magdudoktor doon na may isang samahang tinayo — – Lingap Para sa Kalusugan ng Sambayanan (LIKAS) . Pagkatapos ng proyekto sa Sta Maria, lumipat ako sa LIKAS, at apat na taong tumira sa Tayabas, Quezon bilang isang Parish Pastoral Worker. Apat na ahensiya pa ang aking pinagtrabahuhan pagkatapos, lahat ay sa nagtratrabaho para sa pagsasakapangyarihan ng mga maliliit na kababaihan at kalalakihang magsasaka .

Tatlumpu’t apat na taon na pala simula nang nagpraktikum ako sa Lian. Parang kailan lang. Nakikita ko pa sa isipan ang mga mukha ng mga bata at mga ina at ama na nakasalamuha namin. Siguro di ko na sila makikilala kung magkita muli kami. Minsan lamang akong nakabisita sa lugar pagka-graduate ko. Pero, naipangako ko sa aking sarili, minsan, bibisita ako rito, babalikan ang lugar na nagbigay direksyon sa aking buhay — ang San Diego, Lian, Batangas.