2015 CSWCD College Week, Ipinagdiwang

FotorCreatedMatagumpay na ipinagdiwang noong Pebrero 17, 18, at 20, 2015 ng College of Social Work and Community Development o CSWCD ang sarili nitong College Week na may temang, “Wagas na Pagtugon sa Hamon ng Panahon”. Narito ang highlights ng nasabing okasyon:

Pebrero 17, Martes

Nagsimula ang unang araw ng pagdiriwang sa isang simpleng agahan na sinundan ng pormal na programa para buksan ang isang linggong selebrasyon sa pangunguna ni Dean Jocelyn T. Caragay. Nagbigay naman ng mensahe si Tsanselor Michael L. Tan kung saan binati niya ang kolehiyo sa pangunguna nito sa pagsusulong ng gawaing ekstensyon sa unibersidad. Napuno naman ng kasiyahan ang pagtitipon nang ipalabas ang mga lawaran ng mga pinangaralan ng Service Awards na mga guro at staff para sa ilang taong serbisyo nila sa UP. Kinilala rin ang mga guro at staff na nakapaglimbag ng mga lathalain noong nakaraang taon. Inilunsad din ang bagong isyu  ng opisyal na dyornal ng kolehiyo, ang Philippine Journal for Social Development Vol. 6 Issue 1 na naglalaman ng mga artikulo hinggil sa Social Solidarity Economy na nagsusulong ng isang alternatibong pamamaraan ng pag-unlad.

Binuksan naman sa publiko noong hapon ang CSWCD Tiangge na naglalayong makalikon ng pondo para sa CSWCD Scholarship Fund. Nagkaroon din ng isang research forum na may pamagat na, “Kaligtasan, Kabuhayan, Karapatan: Mga Batang Manggagawa sa Tubuhan”, kung saan binahagi sa mga guro, kawani, mag-aaral, at bisita ang mga resulta ng apat (4) na pag-aaral hinggil sa mga batang manggagawa sa tubuhan sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

Pebrero 18, Miyerkules

Ang kolehiyo, sapamamagitan ng Department of Women and Development Studies (DWDS) ay nagkaroon ng isang film showing na pinamagatang, “Ang Babae sa Likod ng Mambabatok”. Sa direksyon ni Lauren Faustino na isang mag-aaral ng DWDS, ipinakita ng nasabing dokumentaryo ang buhay ng mahigit 90-anyos na si Fang-Od,  kilala bilang huling mambabatok o native tatoo artist ng Kalinga.

Pebrero 20, Biyernes

Sinimulan ang huling araw ng College Week sa isang sportsfest na may temang, “That Thing Called Paligsayan” na inorganisa ng CSWCD Student Council.  Nagkaroon naman ng Sikhay Kilos General Assembly sa hapon kung saan binalikan ng mga kasapi ang mga aktibidades ng samahan noong taong 2014. Ang College Week ay nagtapos sa isang Open Mic event na tinawag na, “Wagas na Feb-Ibig: Awit, Tula, Tinig, at Sayaw Para Sa Iskolar ng Bayan”. Kagaya ng CSWCD Tiangge, ang masayang okasyon na ito kung saan nagpamalas ng angking talento ang ilang guro, kawani, mag-aaral, at bisita ay para sa Scholarship Fund.

College of Social Work and Community Development